NATIMBOG ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong suspek na sangkot sa pagpatay kay Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr., na itinapon sa isang septic tank habang nabawi ang baril na ginamit sa pagpaslang sa krimen.
Si Casauay, isang miyembro ng Special Operations Unit 3 ng Philippine Drug Enforcement Group na napatay noong Enero 24. Ang kanyang bangkay ay narekober mula sa isang septic tank sa Felicisima Village sa Barangay Mojon, Malolos City noong Enero 31.
Sa isang press conference, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla Remulla na ang pangunahing suspek sa pagpatay, na naunang nakita sa CCTV footage, ay naaresto sa Tagum City, Mindanao, kasunod ng pinaigting na operasyon ng pulisya.
“Desididong kumilos ang ating PNP. Ilang sandali matapos ang aming press conference noong nakaraang linggo, tatlong pinangalanang suspek sa kaso ang sunod-sunod na naaresto,” aniya.
Kinumpirma ni PNP Chief Police General Jose Nartatez na ang mga suspek ay nahuli sa magkahiwalay na operasyon sa Tagum, Isabela, at sa ibang lokasyon. Lahat sila ay sumailalim sa inquest proceedings kaugnay ng kaso.
