NAHARANG ang isang Koreanong pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na madiskubre ng Customs ang hindi idineklarang 47 milyong Japanese yen na may katumbas na halagang P17 milyon pesos sa kanyang check-in baggage.
Natuklasan ng Customs X-ray inspection ang mga pera sa bagahe ni Kim Tae-hyun matapos siyang dumating sa NAIA Terminal 3 mula sa Tokyo noong Huwebes.
Natagpuan ang mga bundle ng Japanese yen bills na nakalagay sa itim na tela kasama ang diving gear.
Agad na dinala si Kim sa exclusion room para sa pisikal na pagsusuri ng kanyang bagahe ng Customs Enforcement Security Service (ESS), Customs police, at ang airline flight supervisor.
Habang sasampahan naman ang pasahero ng kasong paglabag sa mga regulasyon ng BSP sa Cross Border Transfer of Currencies at ng Republic Act No. 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act na kabilang sa National Anti-Money Laundering and Counterterrorism Proliferation Financing Strategy.
