NAHARANG ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG)ang limang hindi nakuhang parsel na naglalaman ng mga illegal na droga na may kabuuang halagang ₱21,405,900 sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City noong Disyembre 15, 2025.
Ang mga parcels ay idineklarang iba’t ibang gamit kabilang ang isang outdoor wall lamp, bag, digital media discs, paninda, at isang libro, ay isinailalim sa pagsusuri matapos magpakita ng mga kahina-hinalang indikasyon.
Base sa pisikal na inspeksyon, natuklasan na ang mga parcels ay naglalaman ng kabuuang 2,928 gramo ng methamphetamine hydrochloride (shabu) na may halaga na ₱19,910,400.00, at 997 gramo ng high-grade marijuana (kush) na may tinatayang street value na ₱1,495,500.00.
Ang mga nakumpiskang gamit ay dinala sa PDEA para sa wastong disposisyon at karagdagang imbestigasyon. Kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act)ang isasampa sa may-ari nito.
Pinatitibay ng operasyong ito ang matibay na pangako ng Bureau na ipatupad ang mga batas sa customs at anti-drug bilang suporta sa kampanya ng pambansang pamahalaan na protektahan ang publikong Pilipino.
