BINISITA ng Teofilo Coffee Company ang limang samahan ng mga magkakape mula sa lalawigan ng Cavite, Laguna, at Batangas kasama ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) at High Value Crops Development Program (HVCDP) simula noong ika-18 hanggang ika-19 ng Pebrero.
Ang Teofilo Coffee Company ay isang Filipino-American coffee brand na nagpapamalas ng kulturang kape ng Pilipinas sa United States (US). Dito ay direkta silang kumukuha ng mga coffee beans mula sa mga samahan ng mga magsasaka sa Pilipinas habang ipinagmamalaki ang paggamit nila ng apat na uri ng kape na makikita sa bansa– ang Arabica, Robusta, Excelsa, at Liberica.
Dito ay nakapanayam ng kumpaya ang Juan Santiago Agriculture Cooperative (JSACoop) at Mabato High Value Agriculture Cooperative mula sa Laguna, Minantok East Coffee Growers Association at Barangay Tua Farmers Agriculture Cooperative mula sa Cavite, at Aga Farmers Multi-Purpose Cooperative mula sa Batangas.
Ayon kay Teofilo Coffee Company Chief Executive Officer Ron Dizon, bukod sa potensyal na pakikipagsosyo ng kumpanya sa mga magsasaka ay hangad nilang obserbahan, masuri, at ipabatid sa buong mundo ang mga kwento at pagsubok na pinagdaraanan ng mga magkakape bago magkaroon ng inumin ang mga mamimili.
Ikinatuwa naman ni Ronnie Villanueva, pangulo ng Mabato High Value Agriculture Cooperative, ang pagbisita dahil aniya isa itong malaking oportunidad at patunay na ang kanilang kape ay pang-ibang bansa rin. Kaya naman mas pagbubutihin pa nila ito para sa pangarap at hanapbuhay.
