QUEZON CITY — Siyamnapu’t walong (98) mambabatas ang bibigyan ng pormal na pagkilala matapos makumpleto ang lahat ng 39 plenary sessions ng Kamara sa First Regular Session ng 20th Congress.
Sakop ng rekord ang panahon mula Hulyo 28, 2025 hanggang Hunyo 3, 2026, alinsunod sa House Resolution No. 1394 na inihain noong Agosto 25, 2026.
Ayon kay 4Ps Party-list Rep. JC M. Abalos, Deputy Minority Leader at chairman ng House Committee on Ethics and Privileges, hindi lamang dapat ituring na parangal ang pagkilala kundi paalala sa tungkulin ng bawat halal na opisyal.
Aniya, hindi dapat maging pambihira ang pagpasok sa trabaho ng mga mambabatas.
“Ang perfect attendance ay hindi dapat maging headline. Dapat normal lang na pumapasok at nagtatrabaho ang bawat public servant.”
Sinabi rin ni Abalos na mahalagang kilalanin ang mabuting asal at dedikasyon ng mga mambabatas, kasabay ng mahigpit na pagtugon ng Ethics Committee sa mga paglabag.
Aniya, hindi lamang parusa ang dapat maging mukha ng ethics sa Kongreso.
“Hindi lang dapat tayo naghahanap ng mali. Dapat marunong din tayong kumilala ng tama.”
Sa ilalim ng House Resolution No. 1394, bibigyan ang 98 mambabatas ng kopya ng resolusyon at opisyal na commendation bilang pagkilala sa kanilang perfect attendance.
Kabilang sa mga may-akda ng resolusyon sina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, Minority Leader Marcelino C. Libanan, at Abalos.
Ayon kay Abalos, higit pa sa simpleng pagkilala sa 98 mambabatas ang layunin ng resolusyon—ang pagbuo ng kultura ng disiplina at pananagutan sa serbisyo publiko.
Umaasa siyang patuloy na dadami ang mga mambabatas na magkakaroon ng perfect attendance hanggang sa maging karaniwan na ito at hindi na dapat ituring na pambihira.
