SA ika-apat na araw ng Philippine National Games at Batang Pinoy ay mas lalo pang tinutukan ng Batangas Police Provincial Office ang mga kahandaang panseguridad at pangkaligtasan ng mga nakikilahok sa palaro at mga sumusuporta sa mga manlalaro.
Sa pamumuno ni Batangas Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Samson B Belmonte at gabay ng Police Regional Office CALABARZON Regional Director Police Brigadier General Paul Kenneth T Lucas, nagsagawa ng mga pagbisita at inspeksyon ang nakatalagang Area Supervisor or Red Team sa pinagdarausan ng mga kaganapan sa naturang palaro.
Isa sa mga sinuri sa inspeksyon ay ang kalagayan ng mga daan na magiging ruta ng gaganaping Cycling Event. Siniguro ang sapat na kaayusan lalo na sa mga blind curves at mga paahong daanan upang mailapat ang karampatang rerouting scheme para sa mga truck at iba pang sasakyan upang makaiwas sa anumang sakuna sanhi ng kawalan mg kaayusan sa trapiko.
Maging ang kalagayan ng daan sakaling bumuhos ang ulan ay ikinukonsidera din sa paglalapat ng seguridad para sa patimpalak. Iniatas ang pagsisiguro ng nakahandang rain coats maging mga reflectorized vests para magamit ng mga nakatalagang magbigay ng police visibility at assistance upang maayos nilang magampanan ang kanilang tungkulin sa anumang kalagayan ng panahon.
“Iba na ang handa, iba na ang nag-iingat, Labis na nagagalak ang Batangas PPO sa pagkakataong makilahok sa ginaganap na Philippine National Games at Batang Pinoy. Isang karangalan sa kapulisan ng Batangas ang maglingkod para sa kaligtasan ng ating mga manlalaro at mga manonood.”– PCol Belmonte
