QUEZON CITY — Tuluyan nang binuwag ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang Task Force Disiplina kasunod ng madugong pamamaril na ikinasawi ng tatlong binatilyo sa Batasan Hills noong Lunes, Oktubre 12.
Epektibo nitong Martes, Oktubre 13, ipinatupad ang utos ni Mayor Joy Belmonte na ibalik sa kanilang mother unit ang lahat ng miyembro ng nasabing task force.
Inatasan ang mga tauhan na agad na mag-report sa Department of Public Order and Safety (DPOS), ang kanilang orihinal na tanggapan.
Dahil dito, wala nang awtorisadong pagpapatrulya o operasyon sa ilalim ng Task Force Disiplina.
Bago muling italaga sa DPOS, kailangang sumailalim ang mga dating miyembro sa background check, neuropsychological examination at drug test. Inaatasan din silang kumuha ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
Nilinaw naman ng lokal na pamahalaan na hindi pinagkakalooban ng baril ang mga miyembro ng task force. Tanging mga pulis lamang ang awtorisadong magdala ng armas sa hanay ng mga tauhan at force multiplier ng lungsod.
Kasabay nito, inatasan ni Belmonte ang Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni Police General Chris Olazo, na paigtingin ang operasyon laban sa ilegal na mga baril.
Hinimok din ang publiko na tumawag sa Helpline 122 kung may makitang dating miyembro ng task force na patuloy na nagpapatrulya sa mga barangay, gayundin kung may impormasyon tungkol sa mga sibilyang nagdadala o nagtatago ng hinihinalang ilegal na armas.
Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng mga hakbang na matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga insidenteng maaaring maglagay sa panganib sa buhay ng mga mamamayan.
Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan na kailangang sumunod sa umiiral na mga patakaran ang lahat ng nagsisilbi sa publiko.
Ang pagbuwag sa Task Force Disiplina ay kasunod ng pamamaril na kinasangkutan ng isang tauhan nito sa Batasan Hills na ikinasawi ng tatlong binatilyo noong madaling araw ng Oktubre 12.
