NAGLUNSAD ang Environmental Management Bureau (EMB) sa Rehiyon 3 ng imbestigasyon sa mga reklamo hinggil sa isang malaking pabrika ng papel na naglalabas ng maruming tubig sa daluyan ng tubig patungo sa mga sakahan ng Samal, Bataan.
Sinabi ni EMB Region 3 director Martin Jose Despi na sila ay nagsagawa na ng kanilang inspeksyon at pagkuha ng mga sample sa mga lugar na pinaniniwalaang naapektuhan ng tubig mula sa lagoon ng Bataan 2020 Inc. Paper Mill.
Ayon kay Despi ginanap ang ocular inspection at pagkuha ng mga sample ng efluenta noong Hunyo 5 at 11, sa koordinasyon ng lokal na pamahalaan ng Samal.
Dagdag pa nito na sila ay naghihintay pa rin ng resulta ng laboratory wastewater analysis upang matukoy ang kalidad ng nilalabas na tubig.
Isang source ang nagsabi sa mga reporter na si Mayor Alexander Acuzar ng Samal ang naglunsad ng unang inspeksyon ng mga sakahan sa kanyang bayan noong Hunyo 5 matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa kanyang mga kababayan at nakakita ng madilim na kulay-abo na tubig sa lugar.
Noong Hunyo 6, naglabas ng cease-and-desist order ang alkalde laban sa Bataan 2020 Inc..
Sinabi ng EMB Region 3 na huminto sa operasyon ng Bataan 2020 noong Hunyo 8.
Base pa sa source na apektado ng 70 hanggang 80 magsasaka sa apat na barangay malapit sa pabrika ng Bataan 2020 dahil sa maitim na kulay at mabahong tubig na lumalabas mula sa lagoon ng paper mill.
Sinubukan ng mga reporter na kumuha ng pahayag mula sa Bataan 2020 sa pamamagitan ng email at Facebook messenger ng kumpanya ngunit wala pa ring natanggap na tugon hanggang isinusulat ang balitang ito.
