ISANG lalaki na tinaguriang most wanted na may kasong panggagahasa sa Olongapo City ang naaresto sa Angono, Rizal noong Huwebes.
Ayon sa ulat kay Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ni Olongapo City Police Director Col. Charlie D. Umayam ang suspek bilang si Dexter Pilorin, 42, mula sa Mahabang Parang, Angono, Rizal.
Bitbit ng mga awtoridad ang warrant of arrest para sa apat na kaso ng panggagahasa at paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act na inisyu ng Branch 12 ng Olongapo City Regional Trial Court, ang isang tracker team ng Olongapo City Intelligence Unit, kasama ang Olongapo City Mobile Force Company, Regional Intelligence Division 3, Police Station 1 Olongapo City Police Station, Regional Intelligence Unit 3, at Olongapo City Maritime Police Station, ay nagsagawa ng operasyon laban kay Pilorin.
Naaresto ang suspek sa harap ng 1 Best Recovery Facility sa Barangay Mahabang Parang sa Angono.
Ngayon ay nasa kustodiya na si Pilorin ng Olongapo City Police Station 1.
