NATIMBOG ng mga operatiba ang itinuturong mastermind sa pagdukot sa American vlogger na si Elliot Eastman sa Zamboanga del Norte nitong Huwebes.
Kinilala ni Police Regional Office 9 (Zamboanga Peninsula) acting information officer Lt. Col. Ramoncelio Sawan ang suspek na si Jackaria Jamani, 35, ng Sibuco, Zamboanga del Norte.
Sinabi ni Sawan na si Jamani ay naaresto sakay ng isang lantsa sa Basilan Strait bandang 5:30 ng hapon. Martes.
Nahuli ang suspek batay sa warrant for kidnapping at serious illegal detention na inisyu noong Disyembre 25, 2024 ng korte sa Siocon, Zamboanga del Norte.
Inilagay mna sa kustodiya ng Sibuco Municipal Police Station ang umano’y tagasuporta ng Abu Sayyaf Group.
Matatadaang ang American vlogger ay dinukot ng apat na armadong lalaki mula sa bahay ng kanyang asawa sa Bgy. Poblacion, Sibuco noong gabi ng Oktubre 17, 2024.
Sinabi ng mga saksi na binaril si Eastman ng isa sa mga suspek nang manlaban.
Kinaladkad ang biktima patungo sa naghihintay na bangkang de-motor.
Noong Disyembre 5, 2024, kinumpirma ng mga awtoridad na namatay si Eastman noong gabing dinukot siya at itinapon ang kanyang katawan sa dagat.
Si Eastman, na tubong Vermont, United States, ay nakatira sa Sibuco sa loob ng limang buwan kasama ang kanyang asawa nang siya ay kinidnap.
