INARESTO ng pulisya noong Lunes ang isang South Korean national na wanted dahil sa pagnanakaw ng kotse sa Angeles City, Pampanga.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, Angeles police acting director Col. Joselito Villarosa Jr., kinilala ang suspek na si alyas “Yoo,” 43, turistang pansamantalang naninirahan sa Bgy. Cuayan, Angeles City.
Ayon kay Station 4 commander Maj. Marlon Ventus, naaresto ang dayuhan sa isang bar sa Raymond St. sa Bgy. Balibago, Angeles City.
Ang pag-aresto ay batay sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 114 ng Angeles City, Pampanga dahil sa paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law, na may inirekomendang piyansang P300,000.
Nasa kustodiya na ngayon ng Angeles City police ang naarestong Koreano para sa pagsasampa ng kaso.
