INARESTO ng mga ahente ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang tatlong Vietnamese na inakusahan ng iligal na paggagamot sa bansa.
Kinilala ni PNP-CIDG director Maj. Gen. Nicolas D. Torre III ang mga naarestong Vietnamese na sina “Doctors Julie Nguyen, Luna Pham at Ryan Truong.”
Ang tatlo ay naaresto sa isang entrapment operation sa Imus City, Cavite.
Sinabi ni Torre na dakong 8:30 p.m. Huwebes, ni-raid ng mga miyembro ng CIDG Detection and Special Operations Unit, sa tulong ng Naval Intelligence and Security Group, ang Lavish Beauty Lounge sa Imus City, kung saan inaresto ang tatlong Vietnamese dahil sa paglabag sa Republic Act 2382 o The Medical Act of 1959.
“Nagpakilala sila bilang mga doktor at nagsagawa sila ng pag-injection ng stem cell, hair regrowth , body sculpture, bio stimulation collagen at derma-related procedures sa kanilang mga pasyente at kliyente,” sabi ni Torre.
Gayunpaman, nabigo ang tatlo na magpakita ng mga kinakailangang lisensyang medikal at permit para magbigay ng mga produktong medikal, magpatakbo ng pasilidad na medikal, o magpraktis ng medisina sa Pilipinas.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang malaking bulto ng mga sari-saring gamot, mga produktong medikal at kosmetiko at mga kaugnay na kagamitan.
Nasamsam din ang mga notebook na nagdodokumento ng mga medikal na pamamaraan, mga reseta ng gamot, at mga resibo na inisyu ng mga akusado sa kanilang mga kliyente.
Ang mga naarestong Vietnamese national ay kinasuhan sa National Prosecution Office para sa paglabag sa Republic Act 2382 o practice of medicine na walang kaukulang lisensya.
