ARESTADO ang isang miyembro ng Philippine National Police ng Angeles City nitong Miyerkules sa anti-illegal drugs operation sa Pasay City.
Nahuli si alyas “Totoy Male,” 37, ayon sa ulat na isinumite kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo ni Angeles City police acting director Col. Joselito Villarosa Jr.
Sinabi ni Villarosa na ang suspek ay aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Angeles City Police Station at tubong Pangasinan at naninirahan sa Bgy. Anunas, Angeles City.
Nagsagawa ng entrapment ang pinagsanib na operatiba ng District Drug Enforcement Unit-Southern Police District, District Intelligence Division–Southern Police District, Pasay City Station Drug Enforcement Unit at Pasay City police sa isang fastfood chain sa Baywalk, Roxas Blvd., Pasay City.
Ang operasyon ay ginawa kasunod ng sunud-sunod na surveillance matapos makatanggap ang mga operatiba ng mga ulat ng umano’y pagkakasangkot ng suspek sa mga aktibidad ng ipinagbabawal na droga.
Nakuha mula sa suspek ang hindi bababa sa 35 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P238,000, ang buy-bust money, isang itim na sling bag na naglalaman ng dalawang cellphone, isang Glock 17 na baril na may serial number ng PNP na kargado ng 14 na live na bala, isang weighing scale, isang pares ng posas, wallet na may cash, isang PNP at UMID ID.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na pulis
