NAPATAY ang isang 14-anyos na estudyanteng babae noong Miyerkules ng kanyang kaklase na lalaki sa loob ng kanilang paaralan sa Parañaque City.
Parehong Grade 8 students ang biktima at ang suspek na itinago ang mga pangalan.
Bago ang pananaksak, ipinaalam ng biktima sa kanyang guro na nagdala ng kutsilyo ang 14-anyos na suspek sa paaralan at pinagbantaan siyang sasaksakin.
Papasok na sa silid ang guro at ang biktima nang biglang inatake ng lalaking kaklase ang dalaga gamit ang kutsilyo.
Sa kabila ng kanyang mga sugat, nagawa pang tumakas ng biktima ngunit hinabol siya ng suspek hanggang sa dumating ang mga security guard ng paaralan at nasupil ang umatake.
Isinugod sa Ospital ng Parañaque 2 ang sugatang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa apat na sugat sa dibdib na agad niyang ikinamatay.
Inaresto ng mga rumespondeng tanod ng barangay ang suspek at dinala sa Don Bosco Substation ng Parañaque City Police para sa karagdagang imbestigasyon.
Sa himpilan ng pulisya, sinabi ng suspek sa imbestigador na siya ay binu-bully sa kanilang paaralan na naging dahilan ng pananaksak.
