POSIBLENG magsimula na ang tag-ulan sa susunod na linggo, ayon ito sa anunisyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) administrator na si Nathaniel Servando nitong Biyernes.
Ayon sa hepe ng PAGASA, mahigpit nilang binabantayan ang pamantayan sa pagdedeklara ng tag-ulan.
Kabilang aniya sa mga indicator ay ang pananatili ng low-level southwesterly windflow sa western section ng Luzon, at ang paghina ng easterly winds.
Isinasaalang-alang din ng weather bureau ang dami ng ulan na naitala sa kahabaan ng kanlurang bahagi ng bansa o sa Visayas at Luzon.
Aniya, hindi kasama ang Mindanao sa monitoring parameters dahil ang Luzon at Visayas ay mga lugar na klasipikasyon bilang Type 1 climate o apektado ng southwest monsoon o habagat.
Idineklara noong Biyernes ng PAGASA ang pagsisimula ng habagat, na isa sa mga pasimula ng tag-ulan.
