Puerto Princesa City – NAGSAGAWA ng onsite inspection and Department of Health (DOH) – MIMAROPA sa pangunguna ni Regional Director Rodolfo Antonio M. Albornoz kasama si Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron noong June 4, 2025 bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng bagong itinatayong Puerto Princesa City Government Medical Complex.
Ayon kay Albornoz, ang pasilidad ay magbibigay ng mga kinakailangang serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng Palawan at magsisilbing katuwang din ng Ospital ng Palawan upang ang lahat ng mga maysakit ay mapaunlakan at agad maasikaso.
“Ito ay magiging diagnostic center ng lunsod at may kakayahang magsagawa ng hemodialysis,” dagdag pa nya.
Kabilang sa mga serbisyong maaring makuha pasilidad ay ang general consultations, dental services, laboratory testing para sa clinical at molecular needs, digital X-ray at ultrasound imaging, birthing services, family planning, nutrition services, pre-natal consultations, libreng bakuna, pangangalaga sa mga nakagat ng hayop, tuberculosis management sa ilalim ng TB-DOTS, at pagsusuri sa Social Hygiene Clinic.
Sinabi naman ni Mayor Bayron na ang bagong complex ay bahagi ng mas malawak na plano ng pamahalaang lungsod upang mailapit ang mga serbisyong medical sa mga residente at matiyak na ang lahat ng nangangailangang maysakit ay mabbigyan ng karampatang serbisyo.
