PATAY ang tatlong miyembro ng isang pamilya nitong Linggo ng madaling araw sa sumiklab na sunog na tumama sa isang residential area sa San Mateo, Rizal.
Sa ulat na isinumite kay Police Regional Office 4A (Calabarzon) acting regional director Brig. Gen. Jack L. Wanky ng Rizal police, ang mga nasawi ay isang 60-anyos na babae, ang kanyang 30-anyos na anak na babae, at ang 28-anyos na manugang.
Naipit ang mga biktima sa loob ng kanilang nasusunog na bahay sa Bgy. Ampid sa San Mateo.
Nakaligtas naman ang 64-anyos na amain ngunit nagtamo rin ng mga pinsala matapos itong tumalon sa nasusunog na dalawang palapag na bahay.
Ang matandang lalaki ay nagtamo ng first degree burn at nagpapagaling sa isang ospital.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-2 ng madaling araw ng Linggo. Pagkatapos ay itinaas ng BFP ang unang alarma.
Idineklara ng mga bumbero ang fire out dakong 2:59 a.m. ng araw ding iyon.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung ano ang pinagsimulan ng sunog at ang tinatayang halaga ng pinsala.
