NILOOBAN ng limang armadong lalakihan na nagpanggap na kostumer ang isang gilingan ng palay nitong Lunes sa Bgy. Wakas , Bocaue, Bulacan.
Base sa ulat ng Bulacan police ang panloloob ay iniulat sa pulisya ng mga empleyado ng rice mill na si Victoria Reza Sison, 39, cashier, residente ng Bgy. San Juan, Balagtas, Bulacan; Francess Checaina Nuñez, 29, secretary, ng Bgy. Caingin, Bocaue, Bulacan; at rice dealer na si Zosimo Cielo, 52, ng Bgy. Rizal, Taguig City.
Sinabi ng mga empleyado sa pulisya na limang lalaki na nakasuot ng itim na jacket, shorts, at pantalon ang nagpanggap bilang mga customer at habang tinutukan ng baril ay nagdeklara ng hold-up.
Kinuha ng mga suspek ang P151,500 cash sales, gayundin ang mga personal na gamit ng mga biktima, saka sumakay sa kanilang getaway vehicle at tumakas patungo sa McArthur Highway.
Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya at sinusuri ang kuha ng CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga suspek.
