MARIING itinanggi ni Oriental Mindoro 1st District Rep. Arnan Panaligan ang isyung pagkakaugnay ni Sen. Ping Lacson sa kanyan sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects sa lalawigan.
Giit ng kongresista, wala siya aniyang kinalaman sa pagpili ng kontratista o pagtanggap ng kickback sa mga proyektong pinondohan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang panayam, sinabi ni Panaligan na nasa DPWH ang buong proseso ng pagpaplano, pagbi-bid, at pag-award ng mga kontrata.
“Ang DPWH ang nagplano, nag-bid, at nag-award sa contractors. Wala tayong say doon,” diin pa niya.
Itinanggi rin ng mambabatas ang akusasyong sa kanya na siya ang naging “funder” o proponent ng mga proyekto, gaya ng inilahad ni Lacson.
Dagdag pa niya, hindi siya tumanggap ng anumang kickback o pabor mula sa mga kontratista. Binigyang-diin niyang ang kanyang tungkulin ay limitado sa pagsusulong ng mga pangangailangan ng kanyang distrito, habang ang DPWH ang may hawak ng teknikal na aspeto.
Hinimok ni Panaligan ang publiko at mga awtoridad na imbestigahan nang buo ang alegasyon upang mapanagot ang mga tunay na may sala.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng karagdagang pahayag si Sen. Lacson hinggil sa isyu.
