PATULOY ang paghahanap sa dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sangkot sa pamamaril sa isang 42-anyos na lalaki sa Rodriguez, Rizal noong Martes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas Arnel, residente ng Barangay San Isidro, sa bayang ito.
Batay sa imbestigasyon, sakay ng motorsiklo ang biktima patungo sa Phase 1K2, Kasiglahan Village, nang biglang sumulpot ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Agad na pinaputukan ng mga suspek ang biktima gamit ang hindi pa malamang kalibre ng baril na tumama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima.
Matapos ang insidente ng pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Phase 1k2 Kasiglahan Village, Barangay San Jose na sakay ng kanilang motorsiklo.
Agad namang isinugod ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan para lapatan ng lunas.
Sa ngayon ay patuloy pa rin inoobserbahan ang biktima habang nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya.
Sasampahan ng kasong frustrated murder ang mga suspek.
