UMAPELA si Senador Bam Aquino sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilabas ang detalyadong listahan ng mga ghost at substandard flood control projects, kabilang ang mga pangalan ng kanilang proponents, upang matiyak ang ganap na transparency at pananagutan.
“Paglabas niyo iyan, dapat naka-publish, dapat nakalagay sinong contractor, magkano, ghost ba ito o extreme substandard. Ano ba iyong assessment ninyo, at sino ang proponent,” wika ni Aquino sa isang panayam sa radyo.
“Mahalagang makita natin iyan. Kung sino ang nagpasok. Mahalaga na kung merong mananagot, lahat ng kasangkot makukulong talaga,” dagdag pa niya.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, hiniling ni Aquino kay DPWH Secretary Vince Dizon na agad ilabas ang nasabing listahan, sa pagsasabing may karapatan ang publiko na malaman ang lawak ng mga iregularidad.
“We really want to get to the bottom of this. Malinaw dapat siya. So, in a few weeks, lalabas iyong listahan. Malalaman natin sino yung ghost, sino yung severely. I’ll just use that broadly, severely substandard. Ilalabas po ninyo kung anong lugar, sino yung contractor, pati rin po yung proponent, ilalabas po ninyo,” giit ni Aquino.
Nangako si Dizon na tatapusin ang listahan sa loob ng isa hanggang dalawang linggo at ilalathala ito sa isang transparency portal na maa-access ng publiko.
Samantala, sinabi ni Aquino na maaaring hindi kuwalipikado sa Witness Protection Program ang kontrobersyal na contractor na si Curlee Discaya dahil sa lawak ng kanyang pagkakasangkot sa isyu.
“Kung ano ang tatanungin, hindi talaga. Ganung kalaking pera iyong ninakaw. Pinagmamalaki mo pa, tapos mapapawalang-sala ka,” ani Aquino.
“Inaamin naman nila iyong ginawa nila, dapat talagang makulong iyan. Hindi puwedeng mapawalang-sala nang basta-basta,” dagdag pa niya.
Nauna nang nanawagan si Aquino sa DPWH na isaalang-alang ang pagsasampa ng mga kasong bid-rigging sa ilalim ng Philippine Competition Act (PCA) laban sa mga tiwaling contractor na sangkot sa maanomalyang flood control projects bilang isang paraan upang panagutin sila at mabawi ang bilyun-bilyong pisong nalustay mula sa kaban ng bayan.
Binigyang-diin ni Aquino na ang bid rigging ay may kaparusahang mula ₱100 milyon hanggang ₱250 milyon kada paglabag sa ilalim ng PCA, matapos aminin ni Dizon na nagkaroon ng ganitong ilegal na gawain sa kontrobersyal na flood control projects.
“The PCC can file an administrative complaint and fine those engaged in bid rigging. A fine of P100 million to P250 million per instance. Kung 600 ang kontrata natin, that’s 600 times P100 million or P250 million, aabot ka ng P150 billion in fines. And you only need substantial evidence, not evidence beyond reasonable doubt because this is administrative,” ani Aquino.
