MANILA —NAKALUSOT sa mga kasong graft at technical malversation si dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo 1st District Representative Janette Garin kaugnay ng kontrobersyal na pagbili ng ₱3.556-bilyong Dengvaxia vaccine noong 2015.
Pinawalang-sala si Garin ng Sandiganbayan Special Second Division sa desisyong iniulat nitong Martes, Oktubre 13, 2026.
Nag-ugat ang mga kaso sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo ng gobyerno para sa pagbili ng bakuna laban sa dengue noong siya ang namumuno sa Department of Health (DOH).
Kabilang sa mga alegasyon ang paggamit ng government savings at paglalaan ng pondo para sa bakunang umano’y hindi kasama sa mga nakatalagang gamot sa Expanded Program on Immunization (EPI) at Philippine National Drug Formulary (PNDF).
Dahil dito, naharap si Garin sa kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at technical malversation sa ilalim ng Article 220 ng Revised Penal Code.
Matatandaang naging kontrobersyal ang Dengvaxia program matapos lumutang ang mga pangamba sa kaligtasan ng bakuna, lalo na para sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue bago tumanggap nito.
Nagdulot ang kontrobersiya ng mga imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso laban sa ilang opisyal na may kaugnayan sa pagbili at pagpapatupad ng programa, kabilang ang mga kasong isinulong ng Public Attorney’s Office (PAO).
Ikinatuwa naman ni Garin ang kanyang pagkakawalang-sala at nagpahayag ng pag-asang makakamit din ng iba pang indibidwal na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia ang kaparehong desisyon.
