NASAWI ang isang 4 na taong gulang na bata habang tatlong pulis ang nasugatan nang gumanti ng putok ang suspek na sisilbihan ng warrant of arrest ng pulisya nitong Martes sa Calamba City, Laguna.
Sa inisyal na ulat , aarestuhin ng mga operatiba ang isang suspek na kilala lamang sa pangalang “Reggie,” na isang wanted na may kasong homicide.
Nilapitan ng grupo ng pulisya ang isang bahay na pinaniniwalaang safehouse ng suspek sa Barangay San Cristobal bandang alas-11 ng umaga.
Nang bigla na lamang nagpaulan ng bala ang isang lalaki na ikinasugat ng dalawang police mula sa kinilalang si “Romar,” na siyang nagpaputok umano ng baril.
Tinamaan ng ligaw na bala ang isang bata at idineklara itong dead on arrival nang dalhin sa pinakamalapit na ospital.
Tinamaan din ang isa pang bystander na isang 52-anyos na babae na kinilala lamang sa pangalang “Flor,” at dinala sa Calamba Doctors Hospital para magamot.
Agad namang naaresto ng mga pulis si Romar, ngunit si Reggie at iba pang hindi pa nakikilalang mga kasama ay nakatakas. Nagsasagawa na ngayon ng manhunt para mahanap ang mga takas.
