UPANG masiguro ang kapakanan ng konsyumer laban sa mataas na parking fees sa malls at iba pang establisyimento, ipinapanukala ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagtatakda ng standard rates at libreng singil sa mga kostumer na bibili ng hindi bababa sa P1,000.
“Problema araw-araw ang parking. Mahal na, madalas mahirap pa makahanap sa mga matataong lugar. May ilang establisyimento na sinasamantala ang sitwasyon at ang malala pa, tumatanggi sa mga pananagutan kapag may nasira o nanakawan ang sasakyan ng kostumer,” ani Estrada.
Dagdag niya, layon ng kanyang panukala na masiguro ang kapakanan ng mga konsyumer mula sa labis na singil, habang sinisiguro na makababawi pa rin ang mga nagnenegosyo sa kanilang mga puhunan.
“Dapat lang na maging patas, ligtas, at madaling ma-access ang paradahan,” paliwanag ng beteranong mambabatas sa kanyang itinutulak na Senate Bill No. 1001, o ang panukalang Parking Fee Regulation Act.
Itinatakda ng SB 1001 ang makatuwirang parking fees: P50 para sa unang walong oras para sa mga kotse at P30 para sa motorsiklo, at P10 kada dagdag na oras. Ang overnight parking ay limitado sa P200 para sa kotse, at P100 para sa motorsiklo. Ang valet service ay maaari lamang maningil ng hanggang P100 bukod sa regular na bayad. Ang mga customer na bibili ng hindi bababa sa P1,000 ay may libreng parking, at lahat ng establisimyento ay dapat magbigay ng 30-minutong grace period para sa drop-off, pick-up, o mabilis na pagdaan ng mga sasakyan.
Bukod sa pagiging abot-kaya, isa pang mahalagang reporma sa panukalang batas ni Estrada ang pagbabawal sa paggamit ng liability waivers: Ang mga establisimyentong naniningil ng parking fees ay dapat tiyakin ang seguridad ng mga sasakyan at hindi na maaaring magtago sa likod ng karaniwang “Park at your own risk” na karatula.
“Kung nagbabayad ang kostumer, dapat managot ang establisimyento. Hindi puwedeng kumikita sila, pero kapag nagkaroon ng aberya, hugas-kamay agad,” diin ni Estrada.
Kailangan ding maglabas ng opisyal na resibo ang mga parking facility at malinaw na ipakita ang mga rate sa kanilang mga entrance. Ang mga lalabag sa batas ay papatawan ng multa na aabot hanggang P100,000 kada paglabag, at maaari ring masuspinde o mabawi ang kanilang business license.
Binigyang-diin ni Estrada na ang panukalang batas ay hindi layuning pahirapan ang mga negosyo, kundi tiyakin lamang ang patas na trato at proteksyon sa mga motorista.
