INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay ng isang beses na gratuity pay para sa mga Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers sa pamahalaan ngayong taon bilang pagkilala sa kanilang pagsusumikap at mahalagang papel sa paghahatid ng serbisyo ng gobyerno.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 39 na nilagdaan noong Disyembre 11, ang mga COS at JO employees na nakapagbigay ng hindi bababa sa apat na buwan ng aktwal at kasiya-siyang serbisyo hanggang Disyembre 15, at may bisa pa ang kanilang kontrata sa parehong petsa, ay may karapatang tumanggap ng gratuity pay na hindi hihigit sa PhP7,000.
“Granting a year-end Gratuity Pay to COS and JO workers is a well-deserved recognition of their hard work and valuable participation in the implementation of various programs, activities, and projects (PAPs) of the government, and their pivotal role in the delivery of government services amidst the present socio-economic challenges, ayon sa AO.
Binanggit din na bagama’t tumatanggap ng sahod ang COS at JO workers na katumbas ng mga kawani sa kaparehong posisyon sa pamahalaan, hindi nila natatamasa ang mga benepisyo ng regular na empleyado gaya ng mid-year at year-end bonuses, performance-based bonus, at personnel economic relief allowance.
Ang mga empleyado na nakapagbigay ng mas mababa sa apat na buwan ng serbiyso ay makatatanggap pa rin ng ng gratuity pay sa pro-rata basis.
Samantala, ang may tatlong buwan ngunit mas mababa sa apat na buwan ng serbisyo ay makakatanggap ng hanggang PhP6,000.
Ang may dalawang buwan ngunit mas mababa sa tatlong buwan ng serbisyo ay makakatanggap ng hanggang PhP5,000; at ang may mas mababa sa dalawang buwan ng serbisyo ay makakatanggap ng hanggang PhP4,000.
Saklaw ng kautusan ang mga kawani sa national government agencies, state universities and colleges (SUCs), government-owned and controlled corporations o GOCCs at local water districts (LWDs).
Ang pagbabayad ng gratuity pay ay magsisimula sa Disyembre 15.
Ang kautusan ay magkakabisa agad matapos ang ganap na publikasyon nito sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.
