SUGATAN ang isang suspek nitong Miyerkules makaraang mauwi sa shootout ang paghahain ng warrant of arrest para sa kanyang pag-aresto sa Bgy. General Lim, sa Orion , Bataan.
Kinilala ni Col. Grant Gollod, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 3, ang suspek bilang alyas “Cabu,” 35, ng Sitio Mabato, Daang Pare, Orion.
Si “Cabu,” na may pabuya na P135,000 para sa kanyang pagkakahuli, na pinaghahanap para sa kasong pagpatay batay sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 3, Balanga City.
Ang operasyon ay bahagi ng mga operasyong “Oplan Pagtugis” at “Oplan Paglalansag Omega”, ay isinagawa ng mga miyembro ng CIDG Olongapo CFU bilang lead unit, RSOT, RFU 3, RIU Zambales, Orion MPS, at MARPSTA Bataan.
Sinabi ni Gollod na ang mga operatiba ng CIDG ay naghahain ng warrant of arrest laban kay “Cabu” sa Malalanse, Bgy. General Lim nang umano’y nagpaputok ang suspek sa arresting team, dahilan para gumanti ng putok ang mga opisyal.
Ang suspek ay tinamaan sa kaliwang braso at kaliwang tuhod at binigyan ng pangunang lunas ng mga operatiba bago ito isinugod sa isang kalapit na ospital para sa karagdagang paggamot.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang kalibre .45 na pistola na walang serial number, isang magasin, at apat na bala.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
