BINIGYANG-DIIN ni Nueva Vizcaya Lone District Representative Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton na tanggalin ang mabagal at komplikadong proseso sa paghingi ng tulong mula sa gobyerno sa pamamagitan ng kanyang panukalang “Direkta at Agad na Lingap at Interbensyon (DALI) Act.”
Sa ilalim ng House Bill No. 9226, layunin ng panukala na gawing mas mabilis, simple, at makatao ang pag-access ng mga Pilipino sa financial assistance mula sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng DSWD, DOH, PCSO, at PhilHealth.
Ayon sa panukala, tatlong pangunahing requirements na lamang ang hihingin sa mga aplikante: valid ID, billing statement mula sa ospital o kaukulang institusyon, at endorsement mula sa social worker o CSWDO/MSWDO.
Iginiit ni Cayton na hindi dapat pahirapan pa ang mga mamamayan lalo na sa panahon ng sakit, emergency, o matinding pangangailangan.
“Kapag gipit na ang tao, hindi na dapat pinapahirapan pa sa sangkatutak na requirements at paulit-ulit na proseso. Ang serbisyo ng gobyerno dapat direkta, mabilis, at may malasakit,” ani Cayton.
Nakasaad din sa panukala na obligadong iproseso ng mga ahensya ang kumpletong aplikasyon sa loob lamang ng tatlong working days upang maiwasan ang matagal na paghihintay ng mga nangangailangan.
Kasama rin sa panukala ang pakikipag-ugnayan sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) upang bantayan at siguraduhing nasusunod ang pagpapabilis ng serbisyo at pagbabawas ng red tape sa gobyerno.
Ayon kay Cayton, panahon na upang gawing mas makatao at mas accessible ang serbisyo publiko para sa ordinaryong Pilipino.
