KULONG ang tatlong lalaki matapos magkasuntukan sa labas ng isang disco bar sa Bgy. Balibago, angeles City na ikinamatay ng isang 30-taong-gulang na rider.
Naganap ang insidente sa harap ng Shinma Disco Bar sa MacArthur Highway na kasalukuyang iniimbestigahan ng mga tauhan ng Police Station 4 ng Angeles City Police Office .
Kinilala ni Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Jess Mendez, ang biktima bilang si Ricardo, isang 30-taong-gulang na rider at residente ng Bgy. Pampang, Angeles City.
Ang mga suspek ay sina alyas “Tol,” 25; alyas “Mael,” 23; at alyas “Mansi,” 29, pawang mga residente ng Bgy. Cutud, Angeles City.
Dinakip sila ng mga bouncer ng establisyimento pagkatapos ng insidente at kalaunan ay dinala sila sa Police Station 4.
Sinabi ng mga saksi sa mga imbestigador na nagsimula ang komprontasyon matapos umanong lumapit ang isang hindi nakikilalang babae sa mga mesang inuukopa ng grupo ng biktima at ng mga suspek.
Pagkatapos ay hinarap ng umano’y kasintahan ng babae ang magkabilang panig, na nagdulot ng mainit na pagtatalo na nauwi sa suntukan.
Sa kanilang pagtatalo, naiulat na bumagsak ang biktima sa semento at wala nang malay, patuloy pa rin umano sa panununtok at pambubugbog ang tatlong suspek.
Nakialam ang mga bouncer mula sa Shinma Disco Bar at pinahinto ang pananakit upang pigilan ang tatlong suspek bago sila dinala sa mga rumespondeng pulis.
Itinakbo ang biktima sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center ngunit kalaunan ay namatay.
Ayon sa medical certificate, namatay ang rider dahil sa cardiogenic shock secondary to myocardial infarction.
Ipinahayag ng nakatatandang kapatid ng biktima ang kanyang balak na magsampa ng mga kasong kriminal laban sa mga suspek.
Inihahanda na ang mga kasong homicide para sa pagsasampa sa korte laban sa tatlong suspek.
