Kusang-loob na sumuko sa pulisya ang alkalde ng Nabalawag sa Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM) at ang kanyang kapatid kaugnay ng kasong pamamaril sa isang vice mayor noong 2025.
Kinilala ang mga ito na sina Mayor Rhenz Tukuran, 39, at Datu Pia Maisalat Tukuran, 37, na nagtungo sa Kabacan Municipal Police Station (MPS) sa Kabacan, North Cotabato, dakong alas-4:35 ng hapon nitong Miyerkules, Nobyembre 25, 2026.
Ayon sa ulat ng pulisya, kapwa dala ng magkapatid ang kanilang mga warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 13 sa Cotabato City, Maguindanao del Norte, noong Nobyembre 24.
May inirekomendang piyansang ₱120,000 para sa bawat isa kaugnay ng kasong may kinalaman sa pamamaril kay Datu Piang, Maguindanao del Sur Vice Mayor Mohammad Omar Samama noong Pebrero 24, 2025.
Dokumentado naman ng Kabacan MPS ang boluntaryong pagsuko ng magkapatid at ang mga isinagawang proseso sa pamamagitan ng Alternative Recording Device (ARD).
Matapos makapaglagak ng itinakdang piyansa, pansamantalang nakalaya ang dalawa noong Nobyembre 25, batay sa Official Receipt No. JEPS-2026-000731567.
Inaasahang idaraos ang unang pagdinig sa kanilang kaso sa susunod na buwan.
