HINILING ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Bureau of Immigration (BI) na bawiin at itama ang umano’y maling impormasyon na may plano siyang umalis ng bansa.
Sa isang demand letter na ipinadala sa BI, sinabi ng legal team ni Romualdez na ang pahayag ng ahensya hinggil sa umano’y plano niyang pag-alis ay hindi beripikado at lumikha ng impresyon na tinatangka niyang umiwas sa mga legal na proseso, partikular sa mga nakabinbing usapin sa Sandiganbayan.
Hiniling ng mga abogado ng dating Speaker kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na ilahad ang pinagmulan ng naturang impormasyon, ipaliwanag ang isinagawang beripikasyon bago ito isinapubliko, tukuyin ang mga opisyal na nagbigay pahintulot sa paglabas ng pahayag, at bawiin ang anumang pahayag na maaaring magpahiwatig na may intensyon siyang tumakas.
Ang hakbang ay tugon sa pahayag ng BI noong Hulyo 21 na nakatanggap ang ahensya ng impormasyon tungkol sa mga planong hindi natuloy na pag-alis ni Romualdez ng bansa. Ang pahayag na ito ay kalaunan ding binanggit ng Office of the Ombudsman kaugnay ng alegasyon ng pagtatangkang umalis ng Pilipinas.
Iginiit ng legal team ni Romualdez na hindi siya kailanman gumawa ng hakbang upang umiwas sa anumang utos ng korte o proseso ng batas at patuloy niyang iginagalang ang mga institusyon ng gobyerno.
Ayon sa mga abogado, ang pagpapalabas ng hindi beripikadong impormasyon ay maaaring makaapekto sa karapatan ni Romualdez na ituring na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala.
Hiniling din ng kampo na sumunod ang BI sa pamantayan ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno sa ilalim ng Republic Act No. 6713. Nagbabala ang mga abogado na gagamitin ni Romualdez ang lahat ng legal na remedyo kung hindi gagawa ng kaukulang hakbang sa pagwawasto ang ahensya.
