NASAMSAM ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Meat Inspection Service (NMIS) ang mahigit 4.4 tonelada ng umano’y hindi ligtas at hindi rehistradong produktong karne sa isinagawang operasyon sa Kadiwa Public Market, Dasmariñas, Cavite.
Ayon sa CIDG, umabot sa 4,409 kilo ng meat products na tinatayang nagkakahalaga ng P1.3 milyon ang nakumpiska matapos isagawa ang inspeksiyon at pagpapatupad ng mga regulasyon ng NMIS kaugnay ng Meat Inspection Code of the Philippines.
Sinabi ng CIDG na ang mga nasabat na produkto ay umano’y mishandled at walang kaukulang rehistro, na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga mamimili.
Binigyang-diin ng ahensya na mahalaga ang tamang pag-iimbak, pagproseso, at inspeksiyon ng mga produktong karne upang maiwasan ang pagkalat ng kontaminadong pagkain.
Pinayuhan naman ang publiko na bumili lamang ng karne na may opisyal na NMIS seal, sanitary permit, at tamang dokumento upang matiyak ang kaligtasan.
Ayon sa CIDG, magpapatuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa NMIS at Department of Agriculture upang sugpuin ang bentahan ng ilegal at hindi ligtas na produktong pagkain.
