NANGAKO ang Kamara na bibigyang prayoridad ang pagpasa sa natitirang 26 sa kabuuang 52 priority administration bills sa ikalawang regular na sesyon ng 20th Congress sa pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III
Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, naipasa na ng Kamara ang kalahati ng mga prayoridad na panukala sa unang regular na sesyon at target nilang maaprubahan ang natitirang mga panukala upang suportahan ang mga programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at makatulong sa pagpapagaan ng buhay ng mga Pilipino.
Sinabi ni Marcos na kabilang sa mga prayoridad ang mga amyenda sa Universal Health Care Act, Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, at Magna Carta for Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga programa at mas madaling matanggap ng mga benepisyaryo ang tulong na inilaan para sa kanila.
Kasama rin sa isinusulong ang mga panukalang magpapalakas sa transparency at mabuting pamamahala, gaya ng mga pagbabago sa Bank Secrecy Law at Anti-Money Laundering Act.
Batay sa ulat ng House Committee on Rules, kabilang sa mga priority bills na naaprubahan na ng Kamara ang Right to Information, EPIRA Amendments, Waste-to-Energy Act, National Land Use Act, Digital Payments Act, Anti-Political Dynasty Bill, Anti-Fake News and Disinformation Act, at mga panukalang nagpapalakas sa 4Ps at laban sa online sexual abuse ng mga bata.
Samantala, nakabinbin pa ang iba pang mahahalagang panukala tulad ng Cybersecurity Act, Online Gambling Law, Rice Tariffication Law amendments, General Tax Amnesty, Party-list System Reform Act, at mga reporma sa industriya ng langis, pangisdaan, at lokal na pamahalaan.
Iginiit ni Marcos na titiyakin ng Kamara na maipapasa ang mga panukalang ito upang mas mapakinabangan ng publiko ang mga benepisyong nakapaloob sa mga batas at higit na mapalakas ang serbisyo ng pamahalaan.
