KARAGDAGANG P1 bilyon sa panukalang 2027 national budget sa kongreso upang mapabilis ang pagpapaunlad ng 30 medical schools sa mga state universities and colleges (SUCs).
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan , makatutulong ang karagdagang pondo upang makapagtapos ng mas maraming doktor at mabawasan ang matinding kakulangan ng mga physician, lalo na sa mga lalawigan at komunidad na kulang sa serbisyong medikal.
Ang hirit na pondo ay ilalaan sa Seed Fund for the Development of Medical Schools in SUCs, na ginagamit sa pagpapahusay ng kalidad ng pagtuturo, pagdaragdag ng mga kagamitan, pag-upgrade ng mga aklatan, at pagtatayo ng makabagong laboratoryo.
Mula sa 25, umabot na sa 30 ang SUCs na may medical schools matapos aprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang limang karagdagang state universities na mag-alok ng Doctor of Medicine program simula sa school year 2026-2027.
Binigyang-diin ni Libanan na ang mas maraming state medical schools ay nangangahulugan ng mas maraming doktor at mas madaling maabot ng mga Pilipino ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan, lalo na sa mga lugar na kulang ang mga manggagamot.
