NASAGIP ng Department of Migrant Workers–National Capital Region (DMW-NCR) ang 57 overseas Filipino worker (OFW) applicants at ipinasara ang limang hinihinalang hindi rehistradong accommodation facilities sa magkakahiwalay na operasyon sa Parañaque City noong Hulyo 25.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Parañaque City Police District matapos ang pinaigting na surveillance laban sa mga mapanlinlang na recruitment agency.
Matapos ang pagsagip, isinailalim sa paunang assessment at dokumentasyon ang mga OFW applicants bago sila inilipat ng OWWA sa pansamantalang matutuluyan kung saan tatanggap sila ng kinakailangang tulong at suporta.
Ayon kay DMW-NCR Director Millar, pangunahing layunin ng ahensya na maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga OFW at masiguro na ligtas, maayos, at legal ang proseso ng pag-aabroad ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
