KALABOSO ang dalawang kasambahay matapos umanong masangkot sa pagnanakaw ng ₱3.55 milyong halaga ng cash, mamahaling relo at alahas mula sa bahay ng kanilang amo sa Barangay Mariana, New Manila.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon noong Miyerkules, Nobyembre 25, matapos malinlang ang isa sa mga kasambahay ng isang babaeng nagpanggap na kanilang amo.
Sa imbestigasyon, nakatanggap umano ng tawag ang isa sa mga kasambahay mula sa babae na ginaya ang boses ng kanilang employer at nagkuwento na nasangkot ito sa isang aksidente sa sasakyan na kinasangkutan ng isang bata.
Sinabi rin umano ng tumawag na kailangan nito ng agarang pera para sa bayarin sa ospital kaya inutusan ang kasambahay na buksan ang vault sa kuwarto ng kanilang amo.
Humingi ng tulong ang una sa isa pa nilang kasamahan at gumamit umano sila ng mga kagamitang pangkonstruksyon upang puwersahang buksan ang vault.
Nang makuha ang mga laman nito, iniabot umano ng dalawa ang mga ninakaw na gamit sa isang lalaking naghihintay malapit sa isang simbahan sa Barangay Mariana.
Tinatayang ₱300,000 cash at ₱3.25 milyong halaga ng mamahaling relo at alahas ang natangay sa insidente.
Kabilang sa mga ninakaw ang gintong Patek Philippe, white gold Rolex, Rolex Datejust, pearl choker set, dalawang set ng white South Sea pearls, blue sapphire set at isang set ng gintong alahas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang kasambahay habang nagpapatuloy ang operasyon upang matukoy at madakip ang babaeng nagpanggap na amo at ang lalaking tumanggap ng mga ninakaw na gamit.
