TINATAYANG P64 bilyon hanggang P68 bilyon kada taon ang kakailanganin para sa isang panukalang programa na magbibigay ng P12,000 taunang ayuda sa mga minimum wage earners habang pinapalakas ang mga lokal na maliliit na negosyo.
Inihain ng 11 mambabatas ang House Bill No. 10648 o ang Pambansang Agapay sa Pamilya at Maliliit na Negosyo (PAMANA) Act, na naglalayong magbigay ng P1,000 buwanang subsidiya sa mga kwalipikadong pamilya sa pamamagitan ng PhilSys-linked digital wallet.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, kabilang sina Reps. Jude Acidre, Ziaur-Rahman Adiong, Joel Chua, Jannette Garin, Jefferson Khonghun, Gerville Luistro, Francisco Paolo Ortega, Terry Ridon, Ramon Rodrigo Gutierrez, David Suarez, at Ysabel Maria Zamora, layunin nitong tulungan ang mga manggagawang sumasahod ng minimum wage na hindi saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ngunit nahihirapan pa ring makasabay sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng panukala, magagamit lamang ang ayuda sa mga akreditadong lokal na micro, small, and medium enterprises (MSMEs) gaya ng sari-sari stores, karinderya, palengke, botika, at iba pang maliliit na negosyo sa komunidad.
Sinabi ni Acidre na maraming minimum wage earners ang may trabaho ngunit hindi pa rin sapat ang kinikita upang matustusan ang pagkain, transportasyon, kuryente, gamot, at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Binigyang-diin naman ni Ortega na ang programa ay hindi lamang para sa mga benepisyaryo kundi para rin sa mga maliliit na negosyo na makikinabang sa dagdag na paggastos sa lokal na ekonomiya.
Saklaw ng programa ang mga manggagawa sa pribadong sektor na tumatanggap ng regional minimum wage, mga empleyado ng gobyerno na ang sahod ay hindi lalampas sa minimum wage, at mga self-employed o informal workers na kumikita ng katumbas o mas mababa sa itinakdang minimum wage sa kanilang rehiyon.
Kailangang nakarehistro sa PhilSys ang mga aplikante at hindi kasalukuyang benepisyaryo ng 4Ps upang maiwasan ang dobleng pagtanggap ng ayuda.
May limitasyong P200 kada araw ang paggastos gamit ang subsidiya, ngunit maaaring maipon ang hindi nagagamit na halaga sa digital wallet. Hindi rin ito maaaring i-withdraw bilang cash o gamitin sa online gambling, alak, sigarilyo, at iba pang ipinagbabawal na produkto at serbisyo.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangangasiwa sa programa katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine Statistics Authority (PSA), at Department of Labor and Employment (DOLE).
Upang matiyak ang sapat na pondo sa hinaharap, nakapaloob sa panukala ang paglikha ng PAMANA Trust Fund na popondohan mula sa bahagi ng karagdagang koleksiyon ng value-added tax (VAT) sa digital services at iba pang kita ng pamahalaan.
Ayon sa mga may-akda, layunin ng panukala na mabigyan ng karagdagang suporta ang mga pamilyang manggagawa habang sabay na pinasisigla ang paglago ng mga lokal na negosyo at ekonomiya.
