ISINUSULONG sa Kamara ang isang panukalang batas na maglilipat sa pamahalaan ng responsibilidad sa pagsagot sa gastos ng mga mandatoryong diskuwento para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs), habang nananatiling buo ang mga benepisyong tinatamasa ng mga ito.
Inihain ni Quezon City 4th District Rep. Jesus “Bong” Suntay ang House Bill No. 10657 o ang Social Benefits Fiscal Responsibility Act, na naglalayong ibalik ang sistema ng full tax credit para sa mga establisimyentong nagbibigay ng diskuwento sa mga senior citizen at PWD.
Sa ilalim ng panukala, maaaring mabawi ng mga negosyo ang buong halaga ng diskuwentong kanilang ipinagkaloob sa pamamagitan ng peso-for-peso tax credit, taliwas sa kasalukuyang sistema kung saan maaari lamang itong ibawas sa gross income at bahagya lamang na nare-recover ang gastos.
Ayon kay Suntay, hindi gagalawin ng panukala ang umiiral na 20 porsiyentong diskuwento para sa mga senior citizen at PWD. Ang layunin lamang nito ay tiyaking ang gobyerno ang sasalo sa halaga ng benepisyong ipinag-uutos nito at hindi ang mga negosyo.
Aniya, sa loob ng mahigit dalawang dekada, malaking bahagi ng gastusin para sa mga diskuwento ay ipinapasan sa mga restoran, botika, grocery, at iba pang establisimyento, kahit ang programa ay bahagi ng social protection policy ng Estado.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay ng cash refund sa mga micro at small businesses na walang sapat na tax liability upang agad magamit ang kanilang tax credits. Samantala, ang medium at large enterprises ay papayagang i-carry over ang kanilang hindi nagamit na credits at humiling ng refund sa mga susunod na panahon.
Ayon pa sa mambabatas, layunin ng panukala na mapanatili ang malakas na social protection para sa mga senior citizen at PWD habang itinataguyod ang patas na pagtrato sa mga negosyo na sumusunod sa batas.
May mga probisyon din ang panukala laban sa pandaraya at dobleng pag-claim, kabilang ang mas mahigpit na dokumentasyon, reporting requirements, at transparency measures upang mabantayan ang magiging epekto nito sa pondo ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Suntay na hindi binabawasan ng panukala ang anumang benepisyo ng mga senior citizen at PWD kundi inilalagay lamang ang pananagutan sa gastusin sa pamahalaang nagpatupad ng naturang programa.
