ARESTADO ang isang 26-anyos na Private First Class (PFC) ng Philippine Army matapos umanong masangkot sa indiscriminate firing at mahulihan ng hindi rehistradong kalibre .45 baril sa Taguig City noong Agosto 3.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), rumesponde ang mga awtoridad sa insidente sa Mastrili Street, Dulong Bayan, Barangay Bambang, kung saan nakarekober ang mga imbestigador ng isang basyo ng bala. Sa pamamagitan ng mga salaysay ng saksi at pagsusuri ng CCTV footage, natukoy at natunton ng pulisya ang suspek na kalaunan ay inaresto.
Nakumpiska mula sa kanya ang isang M1911A1 kalibre .45 pistola at limang buhay na bala. Nabigo rin umano ang suspek na magpakita ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF), firearm registration, o anumang dokumentong nagbibigay sa kanya ng awtoridad na magmay-ari o magdala ng naturang baril.
Isasailalim sa ballistic at cros s-matching examination ang nakumpiskang armas habang patuloy na inaalam ng mga imbestigador kung may balidong lisensya, rehistro ng baril, o Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) ang suspek.
Inihahanda na laban sa kanya ang mga kasong Alarm and Scandal sa ilalim ng Article 155 ng Revised Penal Code, Illegal Discharge of Firearm sa ilalim ng Article 254 ng Revised Penal Code, at paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act para sa pagsasampa sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na nananatiling matatag ang PNP sa pagpapatupad ng mga batas sa baril at sa pagpapanagot sa mga lumalabag dito.
Binigyang-diin din niya na mas mataas ang inaasahang antas ng disiplina at pananagutan mula sa mga nasa serbisyo publiko at hanay ng mga pwersang panseguridad, at walang sinuman ang maaaring maging higit sa batas.
Ayon sa PNP, bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na pagmamay-ari at iresponsableng paggamit ng mga baril upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
