DALAWANG taon ang ipinatupad na revocation sa driver’s license ng dating child star na si Niño Muhlach matapos mapatunayang lumabag sa traffic rules kaugnay ng road accident sa Marcos Highway, Antipolo City, Rizal noong Agosto 23, 2026.
Batay sa imbestigasyon at pagdinig ng Land Transportation Office (LTO), napag-alamang nakaranas umano ng matinding pagod si Muhlach bago mawalan ng kontrol sa kanyang SUV.
Sumalpok at umararo ang sasakyan sa tatlong establisyimento, na nagresulta sa pagkakasugat ng isang motorcycle rider.
Dahil sa mga natuklasan, idineklarang may pananagutan si Muhlach sa paglabag sa Reckless Driving at itinuring na Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Ito ang naging batayan ng LTO sa pagpapataw ng dalawang taong revocation sa kanyang lisensya.
Nananatili ring nasa alarm status ang SUV upang matiyak na maipatutupad ang resolusyon at mapigilan ang anumang transaksiyon na may kaugnayan sa sasakyan habang umiiral ang parusa.
Ayon kay LTO Chief Asec. Markus Lacanilao, walang pinipiling katayuan ang pagpapatupad ng batas-trapiko.
“Seryoso ang LTO sa pagpapatupad ng batas-trapiko, lalo na sa mga paglabag na maaaring magdulot ng panganib sa ibang gumagamit ng kalsada. Ipatutupad natin ang kaukulang kaparusahan batay sa resulta ng imbestigasyon at pagdinig, anuman ang katayuan ng sangkot,” ani Lacanilao.
Muling nagpaalala ang LTO sa mga motorista na maging responsable sa pagmamaneho at mahigpit na sumunod sa mga batas at regulasyon upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring magdulot ng pinsala sa buhay at ari-arian.
