QUEZON CITY — ARESTADO ang isang aktibong pulis at isang security guard matapos umanong bugbugin, pagbantaan at puwersahang pigilan ang kapwa pulis sa loob ng isang supermarket sa Quirino Highway, Brgy. Baesa noong Agosto 11.
Ayon sa QCPD, palabas na sana ang biktima matapos ipakita ang kanyang resibo ngunit hinarang umano ng security guard na alyas “Mida.” Kahit nagpakilalang pulis ang biktima, hindi pa rin umano siya pinayagang makalabas.
Humingi umano ng tulong si Mida sa isang lalaki na alyas “Rey,” na kalaunan ay nakilalang aktibong pulis.
Sa halip na awatin ang insidente, umano’y bumunot ng baril si Rey, itinutok ito sa biktima, hinila pabalik sa loob ng supermarket at hinataw gamit ang baril, na nagdulot ng mga pinsala. Tumulong din umano ang security guard sa pagpigil sa biktima.
Rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 3 at matapos suriin ang CCTV footage, agad naaresto ang dalawang suspek. Nakumpiska rin ang baril, bala, posas at iba pang ebidensya.
Mahaharap ang pulis ng reklamo sa grave threats, physical injuries at grave coercion, habang grave coercion naman ang isasampa laban sa security guard.
Sinabi ng QCPD na sasailalim din sa administratibong imbestigasyon ang pulis at mapaparusahan kung mapatunayang nagkasala.
Nagbabala naman si QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio sa mga pulis na panatilihin ang disiplina, propesyonalismo at tamang paggamit ng kanilang mga baril.
“Walang sinuman ang nasa ibabaw ng batas,” diin ni Silvio.
