POSIBLENG hindi na gamitin ng prosecution ang buong 31 araw na inilaan para sa presentasyon ng ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ayon kay private prosecutor Lorna Kapunan, makatutulong ang judicial notice ng Senate impeachment court sa pagpapabilis ng paglalahad ng kanilang mga ebidensya.
“Mapapadali ang presentation of evidence because of this judicial notice,” ani Kapunan sa isang online press briefing nitong Miyerkules.
Ipinaliwanag niya na maaaring mabawasan ang bilang ng mga dokumento at testigong kailangan pang iharap ng prosecution dahil opisyal nang kinilala ng impeachment court ang ilang House records.
Noong Lunes, kumuha ng judicial notice ang Senate impeachment court sa mga opisyal na rekord na ipinasa sa House Legislative Archives and Museum Management Service matapos ang mga pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024.
Dahil dito, hindi na kailangang tumestigo si House archives service director Marivic Pareja para lamang patunayan ang custody at transmittal ng mga rekord.
Ayon kay Kapunan, maaari ring hindi na isa-isang iharap ang ilang transcript at dokumento, lalo na ang mga bagay na naitatag na sa mga rekord.
Ipinahiwatig din niya na posibleng lumiit ang bilang ng mga testigong ihaharap ng prosecution sa mga susunod na araw.
Nakatulong din umano ang testimonya ng dating Office of the Vice President special disbursing officer na si Gina Acosta, na idineklarang hostile witness ng prosecution.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Acosta na inatasan umano siya ni Duterte na ibigay ang P125 milyon confidential funds kay dating OVP security officer Col. Raymund Dante Lachica.
Si Lachica ay commander din ng Vice Presidential Security and Protection Group.
Sakop ng Article I ng impeachment case ang alegasyon ng misuse, misappropriation at irregular liquidation ng kabuuang P612.5 milyon confidential funds ng OVP at Department of Education.
Samantala, naantala ang paglilitis matapos hindi makapagdinig ang impeachment court nitong Martes at Miyerkules dahil sa masamang panahon.
Gayunman, naniniwala si Kapunan na maaaring makatulong ang judicial notice at mga ebidensyang nasa rekord upang mapabilis ang pagtatapos ng prosecution sa Article I.
