HAHARAPIN ng House prosecution panel ang mga nagpapakalat umano ng fake news kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos humingi ng tulong sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang matukoy ang nasa likod ng mga pekeng pahayag at fabricated content online.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, magsasagawa sila ng koordinasyon sa CICC upang matukoy ang mga personalidad na responsable sa pagpapakalat ng mga pekeng impormasyon.
Kasunod ito ng kumalat na pekeng pahayag na iniuugnay kay Michael Poa, tagapagsalita at abogado ng defense team ni Duterte.
Agad namang itinanggi ni Poa ang nasabing pahayag at sinabing hindi niya ito ginawa o inilabas. Hiniling din niya sa mga social media page na nag-post ng fake quote na itama o alisin ang naturang content.
Nagpasalamat naman si Ridon kay Poa sa paglilinaw at sinabi nitong hindi ang abogado ang kanyang pinupuntirya kundi ang mga taong nasa likod ng pekeng pahayag.
Ayon kay Ridon, ang “Central Luzon Media” ang umano’y unang nagpakalat ng fake quote bago ito pinalaganap ng ilang tagasuporta ni Duterte.
Inakusahan din niya ang naturang social media page na dati nang naglalabas ng mga pekeng quote card na iniuugnay sa mga miyembro ng House prosecution panel.
Sinabi ni Ridon na bahagi ito ng mas malawak na problema ng umano’y disinformation network na naglalabas ng pekeng impormasyon tungkol sa impeachment proceedings.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng publiko ng access sa lehitimong impormasyon mula sa prosecution, defense at Senate impeachment court upang maunawaan ang mga argumento at takbo ng paglilitis.
Babala ni Ridon, kapag limitado ang lehitimong sources ng impormasyon, maaaring samantalahin ito ng mga nagpapakalat ng fake news.
Aniya, hindi dapat payagang punan ng mga nagpapakalat ng maling impormasyon ang kakulangan sa impormasyon tungkol sa impeachment trial.
Patuloy naman ang koordinasyon ng House prosecution sa CICC upang matukoy ang mga nasa likod ng mga pekeng pahayag at iba pang content na umano’y naglalayong lituhin ang publiko kaugnay ng paglilitis.
