PATAY ang isang babae habang sugatan ang kanyang asawa matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng motorsiklo ang kanilang multicab sa isang tulay sa pagitan ng Pagalungan, Maguindanao del Sur at Barangay Inug-ug sa Pikit, Cotabato nitong Biyernes.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Colie Mar at mister niyang si Orlan Saguta-on, kapwa residente ng Barangay Amas, Kidapawan City.
Ayon sa paunang imbestigasyon, minamaneho ni Orlan ang kanilang multicab na may plakang MAN 3117 at patungo sa Barangay Takepan para maghatid ng mga punla ng niyog nang biglang sumulpot ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Walang sabi-sabing pinaputukan ng mga suspek ang sasakyan at tinamaan ang mag-asawa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dead on the spot si Colie dahil sa mga tama ng bala habang isinugod naman si Orlan sa isang malapit na ospital para sa agarang gamutan.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo.
Agad namang nagsagawa ng hot-pursuit operation ang mga pulis habang patuloy ang pangangalap ng ebidensya sa lugar.
Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga gunman at hindi pa rin malinaw ang motibo sa pag-atake.
Inaalam din ng mga awtoridad kung may natanggap na banta ang mag-asawa bago ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng pamamaril.
