ILIGAN CITY — Arestado ang incumbent vice mayor ng Marantao, Lanao del Sur matapos isilbi ng mga awtoridad ang mga warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng mga kasong pagpatay at tangkang pagpatay sa lalawigan.
Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang naaresto na si Vice Mayor Eli Eskandar Unte Alonto III, alyas “Bimmy Alonto.”
Ayon sa PNP, naabutan si Alonto sa kanyang tinutuluyang Crystal Inn sa Barangay San Miguel, Iligan City, nang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad dakong alas-8:45 ng gabi nitong Biyernes.
May warrant of arrest umano laban sa opisyal para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa. May isa pa siyang warrant para sa frustrated murder, kung saan itinakda ang inirekomendang piyansa sa P200,000.
Kapwa inilabas ang mga warrant noong Hulyo 15, 2026, sa bisa ng utos ni Judge Jamel Tabao Mamutik ng Regional Trial Court Branch 44 sa Initao, Misamis Oriental.
Batay sa rekord ng pulisya, kabilang si Alonto sa mga pangunahing wanted person sa Marantao, ikatlo sa Lanao del Sur, at ikaapat sa regional wanted list ng Police Regional Office 10.
Sa nakaraang 2025 midterm elections, nanalo si Alonto bilang vice mayor matapos talunin si Saidamen Naga sa lamang na 542 boto.
Samantala, pinuri ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon, na isinagawa kahit holiday break.
Binigyang-diin ni Nartatez na walang pinipiling oras ang pagpapatupad ng batas at kailangang managot ang sinumang may kinakaharap na kasong kriminal.
