POSIBLENG umabot sa kategoryang super bagyo ang Bagyong Saudel bago o sa oras ng pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng umaga o hapon, ayon sa PAGASA.
Bandang alas-10 ng umaga nitong Linggo, namataan ang Saudel sa layong 2,085 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 165 kilometro bawat oras at pagbugsong hanggang 205 kph. Kumikilos ito pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Bagama’t hindi inaasahang direktang tatama sa kalupaan ng bansa, posible namang palakasin ng Saudel ang Habagat pagsapit ng susunod na weekend.
Dahil dito, maaaring makaranas ng mas malalakas at mas madalas na pag-ulan ang western Luzon, kabilang ang Metro Manila. Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na tatamaan ng matinding pag-ulan.
Samantala, patuloy ding minomonitor ang isang tropical depression na namataan sa silangan ng Southern Luzon. Posibleng pumasok ito sa PAR at mapangalanang Obet o Pilandok, depende sa magiging pagkakasunod-sunod ng mga weather disturbance na papasok sa bansa.
Bandang alas-8 ng umaga, nasa 1,190 kilometro silangan ng southeastern Luzon ang tropical depression, malapit sa silangang boundary ng PAR. May taglay itong hanging hanggang 55 kph at pagbugsong aabot sa 70 kph.
Sa ngayon, mabagal itong kumikilos pahilagang-hilagang-silangan. Kapag pumasok man sa PAR, inaasahang hindi ito magtatagal sa loob ng Philippine territory dahil maaari itong maapektuhan ng mas malakas na circulation ng Saudel.
Posible ring magsanib ang sistema nito sa mas malawak na circulation ng Saudel sa mga susunod na araw.
Samantala, ang Tropical Depression Gaenari, na nasa 635 kilometro hilagang-silangan ng Batanes, ay hindi inaasahang muling papasok sa PAR o direktang makakaapekto sa bansa.
Patuloy naman ang epekto ng Habagat sa Luzon, na nagdadala ng kalat-kalat na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera, Cagayan Valley at Central Luzon.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, mananatiling mainit at maalinsangan ang panahon, bagama’t posible ang mga panandaliang pag-ulan o thunderstorms lalo na pagsapit ng hapon hanggang gabi.
