NATAGPUANG wala nang buhay ang isang 15-anyos na dalagita sa isang bakanteng lote sa Barangay Matacla, Goa, Camarines Sur, matapos itong iulat na nawawala nang apat na araw.
Dakong alas-10:15 ng umaga noong Biyernes nang matagpuan ng tatlong batang namimitas ng bunga ng amora ang bangkay sa Zone 3 ng barangay.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na “Rose,” na nakasuot ng gray jacket at blue jogging pants nang matagpuan. Nakumpirma naman ng kanyang pamilya ang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng mga tattoo sa kanyang katawan, kabilang ang mga disenyong paruparo sa kanang braso at mga letra at pangalan sa kaliwang braso.
Batay sa imbestigasyon, huling nakita si Rose noong umaga ng Agosto 17 nang umalis siya sa bahay ng kanyang tiyahin at sinabing pupunta sa Tigaon. Hindi na siya nakabalik nang gabing iyon.
Una umanong inakala ng tiyahin na maaaring nakituloy ang dalagita sa ibang kamag-anak dahil nakagawian nitong bumisita at manatili sa mga bahay ng kanilang kaanak.
Wala namang malinaw na panlabas na sugat na nakita sa katawan ng biktima sa paunang pagsusuri. Gayunman, hindi pa rin inaalis ng mga imbestigador ang posibilidad na may naganap na foul play habang hinihintay ang resulta ng forensic autopsy.
Bagama’t nailibing na ang dalagita, patuloy ang imbestigasyon ng Goa Municipal Police Station. Sinusuri ng mga awtoridad ang mga CCTV footage at kinakausap ang mga taong huling nakasama o nakasalamuha ni Rose bago siya nawala.
Ayon sa Police Regional Office 5, gagawin ng mga awtoridad ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang sinumang mapatutunayang responsable.
Kasabay nito, muling nanawagan ang PRO-Bicol sa mga magulang at guardian na mas mahigpit na bantayan ang kanilang mga anak at maging aktibo sa pagtiyak ng kanilang kaligtasan.
