MAS maraming kabataang Pinoy ang mabibigyan ng pagkakataong makapag-aral sa larangan ng science, technology, engineering at mathematics (STEM) matapos itaas ng administrasyong Marcos ang pondong ilalaan sa DOST Scholarship Programs sa P8.67 bilyon sa panukalang 2027 national budget.
Aabot sa 67,504 iskolar ang susuportahan ng gobyerno sa susunod na taon—mas mataas ng 2,407 kumpara sa 65,097 scholars na sinuportahan noong 2026.
Katumbas ito ng 3.70 porsiyentong dagdag sa bilang ng mga benepisyaryong bibigyan ng government-funded scholarships.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, bahagi ito ng patuloy na pamumuhunan ng pamahalaan sa talento ng mga kabataang Pinoy upang makabuo ng mas maraming scientist, engineer, researcher at innovator.
Sa kabuuang P8.67 bilyon, P7.55 bilyon ang nakalaan sa DOST-Science Education Institute (SEI) para sa undergraduate at graduate scholarships, gayundin sa advanced specialized training.
Samantala, P1.12 bilyon ang ilalaan sa Philippine Science High School System (PSHSS) para ipagpatuloy ang specialized STEM education para sa mga kabataan.
Layunin ng programa na makalikha ng bagong henerasyon ng mga eksperto na makatutulong sa paglutas ng mga problema ng bansa, kabilang ang agriculture, healthcare, disaster resilience, digital transformation at industriya.
Binigyang-diin naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahalagang papel ng mga Filipino scientist, researcher at innovator sa pagsusulong ng teknolohiya at pag-unlad ng bansa.
Sa ilalim ng 2027 proposed budget, nais ng pamahalaan na palakasin ang STEM talent pipeline—mula sa mga estudyante ng science high schools hanggang sa mga undergraduate at graduate scholars na maaaring maging susunod na mga siyentipiko at eksperto ng Pilipinas.
