WALANG sapat na batayan para kasuhan si dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project, ayon sa kanyang legal counsel.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, wala umanong kredibleng testigong direktang nag-uugnay kay Romualdez sa sinasabing kickback at paghahatid ng pera kaugnay ng flood control projects.
Dahil dito, hiniling ng kampo ni Romualdez sa Office of the Ombudsman na tuluyang ibasura ang reklamo laban sa dating Speaker.
Sinabi ni Fajardo na 32 na dating testigo, kabilang ang tinukoy na star witness na si Orly Guteza, ang umano’y umatras o binawi ang kanilang mga alegasyon laban kay Romualdez.
Ayon sa abogado, ang mga testigong ito ay pawang dating tauhan ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na nahaharap naman sa warrant of arrest ng Sandiganbayan kaugnay ng imbestigasyon sa flood control scam.
Iginiit ni Fajardo na walang direktang testigong nagsabing sangkot si Romualdez sa umano’y paghahatid ng mga maleta na sinasabing naglalaman ng kickback.
Wala rin umanong district engineer, assistant district engineer o iba pang personnel na direktang nag-akusa kay Romualdez na may pinakialamang flood control project.
Maging si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan ay wala rin umanong testimonya na nag-uugnay sa dating Speaker sa kontrobersiya, ayon kay Fajardo.
Dagdag pa niya, wala ring contractor na lumutang upang direktang idiin si Romualdez sa umano’y anomalya.
Samantala, sinabi ni Fajardo na nabasa niya ang pahayag ng Ombudsman noong nakaraang linggo na mayroon itong 28 bagong testigo laban sa dating Speaker.
Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa umano nakikita ng kampo ni Romualdez kung sino ang mga naturang testigo at kung ano ang kanilang mga alegasyon.
Dahil dito, patuloy na iginiit ng kampo ng dating Speaker na walang sapat na ebidensiya upang ituloy ang reklamo laban sa kanya.
