INISYUHAN na ng Show Cause Order (SCO) ng Land Transportation Office (LTO) ang isang driver at rehistradong may-ari ng pampasaherong jeepney matapos kumalat sa social media ang video kung saan makikitang umiinom ng alak ang driver habang namamasada sa area ng Metro Manila.
Dahil sa insidente, kapwa ipinatawag ang driver na nasa video at ang rehistradong may-ari ng jeepney upang humarap sa pagdinig at ipaliwanag ang paglabag at kanilang pagiging “Improper Persons to Operate a Motor Vehicle.”
Bukod sa pag-inom ng alak habang nagmamaneho, sinabi rin umano ng driver na gumagamit siya ng ilegal na droga.
Naging hinala rin ng ilang pasahero at mga awtoridad na maaaring nasa impluwensya siya ng ilegal na droga sa kalagitnaan ng kanyang pamamasada batay sa kanyang mga ikinikilos.
Batay sa LTO, hindi na umano ito ang unang paglabag ng naturang driver. Ito na ang kanyang ikaapat na traffic violation, matapos na masangkot dati sa dalawang kaso ng Disregarding Traffic Signs at isang kaso ng Obstruction of Traffic.
Dahil sa sunod-sunod na paglabag, sinabi ng LTO na babawiin o ire-revoke ang driver’s license ng nasabing driver alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 4136, o Land Transportation and Traffic Code.
Inatasan din ang driver na isuko ang kanyang lisensya sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office habang isinasagawa ang kaukulang proseso.
Samantala, inilagay na sa “alarm status” ang nasabing jeepney at ipinag-utos ang agarang pag-impound nito para sa masusing inspeksyon.
Patuloy namang sinusuri ng LTO ang insidente at ang mga posibleng pananagutan ng driver at rehistradong may-ari ng sasakyan.
