KIDAPAWAN CITY — Isang umano’y miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters-Bungos Faction (BIFF-BF) ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad kasabay ng pagsuko ng isang RPG launcher at bala sa North Cotabato.
Nakilala lamang sa alyas na “Dats,” ay sumuko noong Agosto 25, 2026, sa isinagawang coordinated police operation sa compound ng Cotabato Police Provincial Office sa Kidapawan City.
Matapos ang pagsuko, inilagay si Dats sa kustodiya ng PNP Intelligence Group para sa dokumentasyon at debriefing.
Kasabay nito, isinuko rin sa pulisya ang isang rocket-propelled grenade (RPG) launcher at isang RPG anti-tank cartridge para sa pagsusuri at ligtas na disposisyon.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalaga sa pulisya ang bawat boluntaryong pagsuko dahil nangangahulugan ito ng nabawasang banta sa seguridad ng mga komunidad.
Patuloy din aniya ang intelligence operations laban sa mga indibidwal na nagtatago o gumagamit ng armas para sa ilegal na gawain.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng PNP Intelligence Group, Police Regional Office 12, Cotabato Police Provincial Office at iba pang intelligence at police units.
Bahagi ito ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) ng PNP, na nakatuon sa intelligence-led at koordinadong operasyon laban sa mga banta sa kapayapaan at seguridad.
Sinabi ng PNP na magpapatuloy ang kanilang operasyon at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at protektahan ang publiko.
